Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na makikipag-usap na sila sa International Police Organization (INTERPOL) kaugnay sa kinaroroonan at kasalukuyang sitwasyon ni Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo Teves Jr.
Gayunman ay nilinaw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magaganap ang pulong sa ibang bansa pero hindi na tinukoy kung kailan at saan.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na kasama sa function o trabaho ng NBI na makipag-ugnayan sa INTERPOL para i-alerto ito sa bansa o lokasyon ni Teves Jr.
Anya ang gagawin ay ipapaalam lang ng NBI sa INTERPOL na may isang personalidad ang iniimbestigahan sa Pilipinas dahil sangkot sa krimen kaya otomatiko anyang magkakaroon ng karapatan ang INTERPOL na matanong o kwestyunin si Teves kahit saang bansa man ito magpunta.
Matatandaang diretyahang sinabi ni Remulla na si Teves ang utak o mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. —sa ulat ni Felix Laban