![]()
Ipinagpaliban ng Department of Justice (DOJ) ang nakatakdang preliminary investigation ngayong Lunes, Nobyembre 10, kaugnay ng umano’y ghost flood control projects sa Bulacan, dahil sa suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan bunsod ng Bagyong Uwan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, ililipat ang unang pagdinig sa Nobyembre 14, 2025 (Biyernes), kung saan makatatanggap ng kopya ng reklamo ang mga respondent.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ang ilang engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Arjay Domasig, at Jaypee Mendoza.
Una nang sinabi ng DOJ na layon nitong tapusin ang imbestigasyon sa loob ng isang buwan upang agad maisampa sa korte ang mga kaso.
Ang imbestigasyon ay isinasagawa sa ilalim ng pag-deputize ng Office of the Ombudsman sa DOJ upang suriin ang umano’y anomalya sa mga proyekto sa Bulacan.
