Inumpisahan na ng Senado ang pagdinig sa panukalang pagtatatag ng hiwalay na Anti-Agricultural Smuggling Court.
Inihain ni Senador Cynthia Villar ang panukala dahil sa anya’y mabagal na paggalaw ng mga kaso laban sa mga nahuhuling nagpupuslit ng mga agricultural products na labis na nakakaapekto sa mga lokal na magsasaka.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice, inamin ng Department of Justice na karamihan sa mga smuggling cases na inihain ng Bureau of Customs ay kanila lamang nadismis dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Batay sa datos ng DOJ, mula 2016 hanggang nitong Pebrero, sa 76 na kasong paglabag sa Republic Act 10845 o Anti Agricultural Smuggling Law, siyam lamang ang naidiretso sa korte ang kaso subalit hanggang ngayon ay pending ang mga ito.
Dahil dito, hayagang sinabi ni Senador Cynthia Villar na hindi umuusad o naibabasura lamang ang mga kaso dahil mismong mga taga-Customs ang kasabwat ng mga sinasabing smugglers. —sa ulat ni Dang Garcia