Bumuo ang Department of Justice (DOJ) ng panel of prosecutors na magsasagawa ng preliminary investigation sa multiple murder complaints na inihain laban kay suspended Cong. Arnolfo Teves Jr. at sa ilan pang personalidad, kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.
Sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na naipadala na ang mga subpoena sa mga known address ni Teves at sa kanyang mga co-accused sa murder case.
Mayo a-17 nang ihain ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamo laban kay Teves na kinabibilangan ng multiple counts of murder, multiple counts of frustrated murder, at multiple counts of attempted murder.
Samantala, binigyang diin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na obligado si Teves na personal na panumpaan ang nilalaman ng isusumite nitong counter-affidavit.
Nagbabala si Remulla na kailangang umuwi ng kongresista kung ayaw nitong makasuhan sa korte at isyuhan ng warrant of arrest. —sa panulat ni Lea Soriano