Nanindigan ang Department of Health na wala pang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.
Sa gitna ito ng mga impormasyon na ang virus na ito ang dahilan ng pagkakasakit ng ilang residente sa Cagayan de Oro City.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2024 budget ng DOH, sinabi Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie na batay sa kanilang beripikasyon sa Regional and Epidemiological Surveillance Unit sa Northern Mindanao ay wala pang confirmed na kaso ng Nipah virus.
Ang naitala lamang anya nila ay mga kaso ng flu-like illness.
Gayunaman, sinabi rin ni Vergerie na in-activate na nila ang Philippine Inter-Agency Committee on Zoonosis na kinabibilangan ng DOH, DENR, DILG, DA at iba pang ahensya kaugnay ng Nipah virus.
Naglabas na rin aniya ang kumite ng general advisory na umiwas muna ang publiko sa mga mga lugar na pinamumugaran ng mga paniki, dahil fruit bats ang natural carriers ng Nipah virus.
Binigyang diin pa ni Vergeire na walang dahilan para mag-panic ang publiko, kinakailangan lang aniyang ipagpatuloy ang mga ginagawa kontra COVID-19 gaya ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask kung vulnerable at maiging paghuhugas ng mga pagkaing kinakain, lalo na ang mga prutas.
Tiniyak din ng DOH na handa ang Research Institute for Tropical Medicine na makumpirma ang anumang kaso ng Nipah virus. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News