Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang 95% ng kada dalawang milyong batang Pilipino bawat taon upang maging fully vaccinated.
Ibinahagi ni Health Secretary Ted Herbosa na isa ang pagbabakuna sa mga pinakamahalagang programa ng ahensya.
Sa State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang health department na kumpletuhin at bilisan ang pagbabakuna sa mga bata.
Sinabi ni Herbosa na nakapagplano na ang DOH ng iba’t ibang programa, gaya ng school aid vaccinations, vaccine catch-ups, at HPV vaccine drives, upang makumpleto ang vaccination targets.
Idinagdag ng kalihim na gagawin ito sa tulong ng local government units, civil society, pati na militar at pribadong sektor upang lahat ng mga bata ay mabakunahan.