Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 46 na kaso ng bronchial asthma at acute exacerbation sa buong bansa, at posible pang tumaas ang bilang sa gitna ng pagdiriwang para sa pagsalubong sa bagong taon.
Sinabi ng DOH na mababa pa ang kasalukuyang tally, subalit naghahanda na sila sa pagdagsa ng mga pasyente na mayroong mga kondisyon sa baga, dahil ilang lugar sa bansa ang nagsisimula nang magpaputok.
Ipinaliwanag ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na mayroong mga tao na kung tawagin ay hyper-reactive ang airways.
Aniya, maaring hindi sila diagnosed na may hika, subalit madali silang magkaroon ng irritation at ubuhin.
Dahil dito, pinayuhan ng DOH ang mga mayroong hika na magsuot ng N95 masks or surgical masks, o takpan ang kanilang ilong at bibig ng basang tuwalya kapag nanood ng fireworks display upang maiwasang mababad sila sa usok. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera