Kinumpirma ni dating Department of Health Acting Secretary Maria Rosario Vergeire na na-monitor nila ang nangyaring disinformation at misinformation campaign laban sa China COVID-19 Vaccines na Sinovac at Sinopharm noong panahon ng pandemya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations sa pangunguna ni Senador Imee Marcos, inamin ni Vergeire na naalarma sila nang mamonitor nila ang aksyong ito.
Subalit hindi naman aniya nila matukoy kung galing ito sa Estados Unidos at sa pag-aakala nila ay random lamang ang pinanggagalingan nito.
Agad naman aniya nila itong tinapatan ng tamang impormasyon upang mapahupa ang takot ng publiko sa pagbabakuna.
Iniulat ng opisyal na sa ngayon ay nasa 88-91 percent na ang kumpyansa ng mga Pinoy sa bakuna.
Layun ng pagdinig na maberipika kung nagkaroon ng kampanya laban sa bakuna at kung ano ang naging epekto nito sa National Security at kalusugan ng mga Pilipino lalo na sa kasagsagan ng pandemya.
Matatandaang lumabas sa ulat ng Reuters na nagkaroon ng ‘clandestine anti-vaccination operation’ ang US gamit ang ilang fake internet accounts noong 2020.
Subalit walang representante sa pagdinig mula sa Pentagon upang ipaliwanag ang isyu dahil hindi naman maaaring pilitin ang mga ito para humarap sa pagdinig.
I-prinisinta naman sa pagdinig ang sagot ng US Department of Defense na ang China ang naunang napagkalat ng misinformation campaign upang isisi sa Amerika ang pagkalat ng COVID 19.