dzme1530.ph

DOH, isusulong ang access sa modernong contraception maging sa mga bata upang maibsan ang maagang pagbubuntis

Isinusulong ng Dep’t of Health ang access sa modernong mga pamamaraan ng contraception maging sa mga bata o adolescents, upang maibsan ang maagang pagbubuntis na nagre-resulta rin sa malnutrisyon o pagkamatay ng sanggol.

Sa press briefing sa Malakanyang, ibinahagi ni Heath Sec. Ted Herbosa na mayroon siyang nakilalang isang 19-anyos na babae na tatlo na ang anak mula sa magkakaibang tatay, at nabuntis ito sa edad pa lamang na 14.

Bukod dito, may mga bata rin umanong nabubuntis na hindi kumakain upang hindi lumaki ang kanilang tiyan, para maitago ang pagdadalang-tao.

Ito umano ang nagdudulot ng stunting o pagkabansot ng bata dahil sa kakulangan ng nutrisyon sa loob pa lamang ng sinapupunan.

Dahil tila hindi na rin umano mapipigilan ang kabataan sa pakikipagtalik, iginiit ni Herbosa na mas mainam na bigyan na lamang sila ng access sa proteksyon para sa safe sex.

Ini-halimbawa nito ang implanon kung saan ipinapasok sa braso ng babae ang isang maliit na plastic rod, at mapipigilan nito ang pagbubuntis.

Layunin ni Herbosa na gawing available ang implant sa bawat clinic, sa ilalim ng Reproductive Health Law. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author