Inirekomenda ni Senador Francis Tolentino kay Health Secretary Ted Herbosa na magtalaga ng focal person sa loob ng ahensya na nakatutok sa mga programa para sa kapakanan ng senior citizens.
Kasabay nito, iginiit ni Tolentino ang pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. 1799 o ang proposed “Comprehensive Senior Citizen Welfare Act.”
Sa ilalim ng panukala, babalangkas ang DOH katuwang ang local government units (LGUs), non-government organizations (NGOs) at people’s organization (POs) for senior citizens ng national health program na magsasaad ng integrated health service para sa matatanda.
Ipinaliwanag ni Tolentino na mahalagang magkaroon ng official in-charge sa loob ng DOH hierarchy para sa senior citizens upang matiyak ang kapakanan ng matatanda sa pagkonsidera rin ng comorbidity ng mga ito.
Sa kabilang dako, nangako naman si Herbosa na isa sa kanyang ipaprayoridad ang reporma para sa kapakanan ng mga senior citizen. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News