dzme1530.ph

DOH, binalaan ang publiko laban sa ‘imported’ na Mpox vaccines

Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pagbili ng Mpox vaccines na umano’y galing sa ibang bansa.

Ikinabahala ni DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo ang pag-handle sa mga naturang bakuna dahil hindi aniya dumaan ang mga ito sa regulasyon sa ilalim ng health department at ng Food and Drug Administration.

Binigyang diin ni Domingo na ang mga bakuna ay mayroong cold chain o storage conditions, at kapag ito ay nawala sa tamang temperatura, o kahit maalog lang ng kaunti sa hand carry luggage, o nawala sa yelo, maaring mawala ang bisa nito.

Idinagdag ng DOH official na ilang araw pa lang ang nakalipas mula nang ianunsyo ng World Health Organization (WHO) na nagpre-qualify na o ngayong pa lang inaprubahan ang Mpox vaccine.

Sa ngayon, sinabi ni Domingo na wala pang nakukuha ang Pilipinas na bakuna laban sa Mpox dahil ibinubuhos ito sa Africa kung saan mayroong matinding hawaan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

 

 

About The Author