Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na tutulong ang gobyerno sa loans ng mga sundalo at uniformed personnel, sa oras na maisakatuparan na ang Military Pension Reform.
Ito ay kaugnay ng hinaing ng mga sundalong nagbabayad ng loans, na lalong mababawasan ang take home pay kapag kinaltasan pa sila para sa pensyon.
Ayon kay Finance Sec. Benjamin Diokno, maglalatag sila ng loan restructuring upang matiyak na matustusan pa rin ang kontribusyon sa pensyon ng Military at Uniformed Personnel.
Partikular umanong tutulong ang Government Service Insurance System sa pag-restructure o pagsasaayos sa mga loan.
Muli namang iginiit ni Diokno na kahit mismo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay batid na kinakailangan na ang pension reform at hindi na ito maaaring ipagpaliban dahil malaking banta ito sa fiscal stability ng bansa. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News