Walang balak na bumalik si Finance Secretary Ralph Recto sa Senado para sa 2025 Midterm elections.
Bago ang pagsalang sa Commission on Appointments para sa kumpirmasyon ng kanyang nominasyon bilang kalihim ng DOF, sinabi ni Recto na malabo siyang bumalik sa Senado sa susunod na taon.
Nangangaahulugan na ngayon ay wala siyang balak kumandidato sa 2025 Senatorial elections.
Sinabi pa ni Recto na mas bagay sa Senado ang kanyang asawa si Vilma Santos-Recto subalit agad na nilinaw na joke lamang niya ito dahil mas nag-eenjoy ang kanyang maybahay na mag-alaga ng apo.
Sa impormasyon, plano ni Recto na tapusin ang panunungkulan sa DOF hanggang sa matapos ang termino administrasyong Marcos.
Sa kanyang opening statement sa CA, sinabi ni Recto na ang kanyang trabaho sa DOF ay hindi nakasulat sa batas bagkus idinidikta ng economic conditions, inihuhugis ng kung ano ang gusto ng tao at ginagabayan ng development plan ng gobyerno.
Inamin din ni Recto na sa loob ng 29 na taon niya sa Kongreso, maraming fiscal at economic reforms na ang kanyang nagawa na ang isa anya ay nagligtas man sa ekonomiya noong 2007 subalit nakaapekto sa kanyang political career.
Matapos ang halos isang oras na pagsalang ni Recto ay agad nang inaprubahan ng CA Committee on Finance ang nominasyon ng dating senador bilang kalihim.