![]()
KINALAMPAG ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy kaugnay sa agarang pagtataas ng presyo ng ilang oil companies.
Sinabi ni Gatchalian na dapat maging komprehensibo ang imbestigasyon ng DOE dahil hindi anya katanggap tanggap ang ipinatutupad ng presyo ng ilang kumpanya ng langis.
Binanggit ng senador na may isang independent player na aniya’y nagtaas ng presyo ng diesel hanggang P105 kada litro at gasolina hanggang P90 kada litro, halos isang linggo lang matapos sumiklab ang kaguluhan sa ibang bansa.
Iginiit ni Gatchalian na isa itong garapalang taas-presyo na lalo pang nagpapahirap sa mga tsuper, manggagawa, at ordinaryong mamamayan na araw-araw nang nakikipaglaban sa mataas na gastusin.
Iginiit ng mambabatas sa DOE na dapat matukoy kung ang pagtaas ng presyo ay tunay na sumasalamin sa aktuwal na gastos ng fuel inventories na kasalukuyang hawak ng mga oil company.
