Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na tutulungan nila ang mahigit 300,000 undocumented Filipinos na nasa US na posibleng ma-deport.
Kasunod ito ng pagkapanalo ni President-elect Donald Trump, na nangako ng mass deportation sa illegal immigrants.
Sa pagtaya ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 370,000 ang mga Pilipino sa Amerika na hindi dokumentado.
Sinabi rin ng Kalihim na handa ang DMW na tulungan ang overseas Filipino workers (OFW), dokumentado man o hindi, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa unang termino ni Trump sa White House noong 2017 hanggang 2020, mahigit 3,500 Filipinos ang pina-deport, na ang pinakamataas na bilang ay naitala noong 2018 na umabot sa 503.
Idinagdag ng DMW na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Foreign Affairs upang maihanda ang support mechanism, gaya ng financial, medical, at legal assistance sa pamamagitan ng aksyon at emergency repatriation fund ng pamahalaan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera