dzme1530.ph

DMW, pinaglalatag ng timeline para makuha ng mga OFW na nawalan ng trabaho sa Saudi ang kanilang ayuda

Pinatitiyak ni Senador Raffy Tulfo ang petsa kung kailan maibibigay ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ayuda para sa mga overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.

Batay sa impormasyon noong Nobyembre 2022, nangako ang Kingdom of Saudi Arabia na maglalaan ng 2-B riyals para sa 10,000 OFW na nawalan ng trabaho dahil nagdeklara ng bankruptcy ang ilang construction companies noong 2015 at 2016.

Subalit naging magkaiba ang pahayag ng DMW at ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung kailan ito maibibigay sa mga OFW.

Sa pahayag ni DMW Undersecretary Bernard Olalia, sinabi nito na malapit nang maigawad sa mga OFW ang ayuda.

Katunayan, may isang high-ranking minister anya mula sa Saudi Arabia ang pupunta sa bansa ngayong taon para magdala ng magandang balita kaugnay sa usaping ito.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose de Vega na nangangamba silang hindi maigagawad ang claims sa mga OFW ngayong taon.

Pero inamin ni De Vega na ang kanyang impormasyon ay nakuha nila bago pa magtungo si Olalia sa Saudi Arabia para talakayin ang isyung ito kaya maaaring may ibang impormasyon ang DMW na hindi alam ng DFA.

Bunsod nito, pinaalalahanan ni Tulfo ang DMW na iwasan ang pagbibigay ng mga premature statements na maaaring makapagbigay ng false hope sa mga apektadong OFW. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author