Mahigit 500 Pilipino mula sa Lebanon ang inaasahang uuwi sa bansa sa mga susunod na araw, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na gamitin ang lahat ng assets para sa repatriation ng mga Pinoy na naiipit sa girian ng Israel at grupong Hezbollah.
Sinabi ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na mula sa 514 Filipinos na boluntaryong sumama sa repatriation program, 264 ang mayroon nang plane tickets, habang 250 na iba pa ang naghihintay ng release ng kanilang exit clearances mula sa Lebanese Government.
Tiniyak ni Cacdac na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan at operasyon sa pamamagitan ng ating embahada.
Idinagdag ng DMW Chief na 192 Filipinos sa Lebanon ang nananatili sa shelters habang naghihintay ng repatriation, at mayroon din aniyang social worker at medical professionals na nag-aalaga sa mga stranded worker. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera