dzme1530.ph

DMW, may mga itinakdang kondisyon sa shipowners na may tripulanteng Pinoy para sa paglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden

May mga itinakdang kondisyon ang Dep’t of Migrant Workers para sa shipowners na may mga tripulanteng Pinoy, upang mapayagan silang makapaglayag sa Red Sea at Gulf of Aden na idineklarang warlike areas.

Sa text message sa DZME, kinumpirma ni DMW sec. Hans Leo Cacdac na nasa 70% na ng mga barkong may Filipino seafarers ang tumugon sa utos na mag-divert o lumayo sa ruta ng Red Sea, Gulf of Aden, at sa palibot ng Horn of Africa.

Gayunman, sinabi ni Cacdac na mayroon pa ring mga hindi sumusunod, kaya’t dapat umanong mabigyan ang mga seafarer ng karapatang tumanggi sa paglalayag sa mga nabanggit na sea areas.

Kung itutuloy pa rin ito, dapat ay mayroong maritime escort ang barko, at may risk at threat assessment na ibinigay sa DMW na magtitiyak sa ligtas na paglalayag.

Nais ng DMW na matiyak na ang mga pinaka-ligtas, bantay-sarado, at pinaka-matibay na mga barko ang tanging makapagsasakay ng Pinoy seafarers sa paglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden.

Ipina-alala naman ng kalihim na pinagbabawalan nang magsakay ng mga tripulanteng Pinoy ang shipowners na nakaranas ng pag-atake ng Houthi rebels sa Red Sea at Gulf of Aden tulad ng Galaxy Leader, True Confidence, at Tutor, kung sila ay muling dadaan sa mga nasabing ruta.

About The Author