Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na nasa 25 overseas Filipino workers (OFWs) ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa.
Sa pagtalakay ng panukalang 2026 budget ng DMW at mga attached agencies nito, sinabi ni Cacdac na bumaba na ang bilang ng mga OFW sa death row, partikular sa Malaysia, matapos ipatupad ng nasabing bansa ang mas maluwag na polisiya hinggil sa commutation ng sentensiya.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na patuloy ang kanilang “behind-the-scenes” negotiations o mga lihim na negosasyon sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA), Office of the President, at iba pang kinauukulang ahensya upang maiwasan ang mga pagbitay at mapalitan ng mas magaan na parusa ang mga sentensiya ng mga Pilipinong nasa death row.
Ikinalugod naman ni Senate Committee on Finance Chairman Win Gatchalian ang aksyon ng DMW para matulungan ang mga distressed OFWs, partikular sa Middle East.
Sinabi ni Gatchalian na sa kanyang pagbisita sa mga embahada sa rehiyon, mula 500 hanggang 600 distressed OFWs na dating nasa halfway houses sa Dubai, Saudi Arabia, at iba pang bahagi ng Middle East ay bumaba na sa 20 hanggang 50.
Ayon sa senador, ang pagbaba ng bilang na ito ay patunay na epektibo ang mga hakbang na ipinatutupad ng DMW para sa kapakanan ng mga OFW.