dzme1530.ph

DMW, hinimok na paigtingin pa ang kampanya upang tangkilikin ng mga migrant workers ang OFW hospital

Pinatitiyak ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) na mapupuno ng pasyente ang 68-bed capacity na OFW Hospital at magagamit ang lahat ng pasilidad dito.

Sa organizational meeting ng Congressional Oversight Committee on Migrant Workers, hiningian ni Tulfo ng update ang DMW kaugnay sa lagay ngayon ng OFW Hospital na mistulang ghost town nang kanyang binisita noong Hulyo.

Sinabi ni Tulfo na sa kanyang pagbisita noon, sa 200 empleyado ng ospital, 2 lamang ang pasyente at wala ring outpatient clients dahil hindi anya tumatanggap ang pagamutan ng pasyente kapag Sabado at Linggo.

Ayon naman kay Dr. Karin Garcia OIC, Hospital Administrator, tumaas na ang bilang ng kanilang mga pasyente noong July kung saan nagkaroon sila ng 42 in-patients habang ang kanilang outpatient ay pumalo sa mahigit 3,000 at tumatanggap na rin anya sila ng pasyente tuwing weekend.

Sa ngayon naman anya ay walo lamang ang naka-confine sa pagamutan.

Sinabi ni Tulfo na kailangang pag-ibayuhin pa ng DMW ang kanilang information campaign upang maipaalam sa mga migrant workers at kanilang dependents na may OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.

Kung kinakailangan anyang sunduin ang mga pasyenteng OFW at kanilang pamilya sa Metro Manila at karatig lalawigan ay gawin ito ng DMW dahil malayo ang pagamutan.

Nangako rin si Tulfo na isusulong ang panukalang magtatalaga ng OFW Lanes sa bawat Regional Hospital sa bansa upang mas mapalapit sa kanila ang serbisyong medikal. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author