Hiniling ng Department of Migrant Workers, na muling magsagawa ng autopsy sa katawan ng namayapang si Jelyn Arguzon, isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtrabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay DMW secretary Hans Leo Cacdac, hindi tinatanggap ng ahensya ang naging resulta ng isinagawang autopsy sa Saudi, at gusto nitong muling isagawa ang pagsusuri sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Cacdac, kung makitaan ng ‘foul play’ ang kaso ni Arguzon, agad nang magsasampa ng kaso ang ahensya, upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng OFW.
Pinoproseso na umano ang pagbabalik ng mga labi ni Arguzon sa Pilipinas ngayong linggo.
sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega, na handa silang hilingin sa mga awtoridad ng Saudi na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Arguzon.
Si Arguzon ay nagsimulang magtrabaho sa Saudi noong June 16 at namatay noong July 19 sa bahay ng kanyang amo. —sa panulat ni Judea Bernardo