dzme1530.ph

DMW at DFA, dapat magsagawa ng sariling imbestigasyon sa pag-atake ng Houthi rebels na ikinasawi ng 2 Pinoy

Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa rin ng imbestigasyon sa nangyaring pag-atake ng mga Houthi rebels sa isang cargo ship sa karagatang bahagi ng Yemen na ikinasawi ng dalawang Pinoy seafarers.

Sinabi ni Gatchalian na kailangang tiyakin ng DMW at DFA na mabibigyang hustisya ang mga biktima kasabay ng pagpapaigting ng mga hakbangin sa pagbibigay proteksyon sa mga Filipino seafarers partikular na sa mga rehiyon na may banta ng panganib.

Umapela rin ang senador sa DFA na aktibong makilahok sa diplomasya para tugunan ang isyu sa international level, at kilalanin na ang kaligtasan ng mga seafarers ay isang collective responsibility lalo na ang mga rehiyon na lagpas sa ating border.

Kasabay nito, nagpahayag na rin ng pagkondena si Senator Imee Marcos sa tinawag niyang acts of terrorism ng mga rebelde lalo’t ang Pilipinas ay hindi naman damay o kasapi sa gulong nangyayari sa Gitnang Silangan.

Nanawagan si Marcos sa DMW na bigyan ang mga biktima at mga pamilyang apektado ng lahat ng tulong na maaaring ipagkaloob sa kanila sa ilalim ng mga umiiral na batas.

About The Author