Daraan sa butas ng karayom ang pagtalakay ng Senado sa isinusulong na Divorce Bill ng mga kongresista.
Ito ang naging paglalarawan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada matapos ang naging survey niya sa mga senador kaugnay sa Divorce Bill.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang senador sa mga kapwa mambabatas na nagulat nang ilabas niya ang resulta ng ginawa niyang survey.
Batay sa kanyang pagtatanong, sinabi ni Estrada na dikit ang laban ng mga senador na pabor at tutol sa Divorce bill subalit hindi na niya sinabi ang bilang ng mga ito.
Nilinaw naman ni Estrada na hindi pa niya nakakausap ang grupo ni Sen. Migz Zubiri tungkol sa kanilang posisyon sa panukala at may ilan pang mambabatas ang pinag-iisipan at binabalanse pa ang kanilang pasya sa Divorce bill.
Inihayag din ni Estrada na walang anumang pahayag ang Malacañang kaugnay sa panukala at wala rin anya ito sa kanilang priority bills kaya’t posibleng tulugan ito ng mataas na kapulungan.