dzme1530.ph

District engineers ng DPWH na sangkot sa iregularidad sa flood control projects, dapat paharapin sa imbestigasyon

Loading

Irerekomenda ni Sen. JV Ejercito kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senado ang district engineers na sangkot sa mga maanomalyang flood control project.

Sinabi ni Ejercito na kailangang pagpaliwanagin ang mga district engineers na sabit sa ghost projects lalo na ang district office ng Bulacan na tinawag nitong notoryus sa katiwalian.

Nagbabala pa ang mambabatas na kung hindi magpapakita ang mga ipapatawag na district engineers ay magmomosyon siya na ipa-subpoena ang mga ito sa susunod na pagdinig.

Para naman kay Sen. Raffy Tulfo, nakadepende na kay Marcoleta ang pagpapatawag kay DPWH-Batangas 1st Engineering District Office District Engineer Abelardo Calalo na nagtangkang manuhol kay Batangas Rep. Leandro Leviste ng halagang ₱360-M upang hindi ituloy ang imbestigasyon sa flood control projects.

Naniniwala rin si Tulfo na hindi lamang nakapokus sa iilang lugar ang iregularidad sa flood control projects kundi kagagawan na ito ng sindikatong may malawak na operasyon.

About The Author