![]()
Nanawagan si Senate Social Justice Committee Chairman Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development na tiyaking tama at nararapat ang tulong mula sa pamahalaan na matatanggap ng mga biktima ng Bagyong Tino.
Ito ay kasunod ng mga ulat ng umano’y diskriminasyon sa Cebu na kanyang pinabubusisi.
Sinabi ni Tulfo na nakakalungkot at nakakagalit ang mga balitang may mislabeling na ginawa ang ilang barangay personnel sa DSWD forms ng ilang biktima ng Bagyong Tino sa lalawigan ng Cebu.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong insidente, at nakakadismaya na patuloy na nagaganap ang diskriminasyon sa mga biktima ng sakuna.
Ito ay kasunod ng reklamo ng isang residente ng Purok Isla Verde, Talisay City, Cebu na dineklara umano ng isang opisyal ng barangay bilang “partially damaged” o bahagyang nasira ang kanyang bahay, kahit ito ay tuluyang nasalanta ng baha.
Una na ring inihain ni Tulfo ang Senate Bill No. 254 o ang panukalang “Anti-Discrimination in the Delivery of Social Protection Programs Act,” isa sa kanyang mga pangunahing panukala sa ika-20 Kongreso.
Layunin ng panukala ni Tulfo na parusahan ang mga mapanuri, mapanlinlang, at may diskriminasyon sa mga gawain ng mga kawani ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo.
