dzme1530.ph

Diskriminasyon sa mga indigenous people sa trabaho, dapat ipagbawal!

Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang panukala na gawing iligal ang diskriminasyon sa pamamasukan sa trabaho ng mga miyembro ng mga grupong katutubo.

Sa kanyang Senate bill 1026, sinabi ni Ejercito na ang pagpigil sa sinuman ng tao na mamasukan sa trabaho dahil sa kaniyang relihiyon o ethnic origin ay hindi katanggap-tanggap.

Hindi anya dapat maging batayan sa pagbibigay o pamamasukan sa trabaho ang pagkakabilang sa pangkat ng mga katutubo o pagkakaroon ng ethnic origin,

Bukod sa pagtiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho sa mga miyembro ng indigenous cultural communities, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resource Development na layon din ng kanyang panukalang i-angat mula sa kahirapan at tugunan ang hindi pantay na trato na kinakaharap ng mga katutubo.

Sa ulat ng International Labor Organization (ILO) noong 2020, lumabas na ang mga katutubo ay tatlong antas na mas hirap sa pamumuhay kaysa sa mga hindi napapabilang sa kanilang komunidad.

Upang matiyak ang pantay na oportunidad sa trabaho ng mga indigenous people, iminungkahi ni Estrada na bigyang prayoridad sa trabaho ang mga katutubo sa mga lugar kung saan karamihan sa kanila ay namumuhay o namamalagi.

Magiging labag sa batas para sa mga employer na tanggihan sila o i-discriminate sila sa mga usapin tungkol sa suweldo, kondisyon sa trabaho at promosyon o gamitin itong katwiran upang tanggalin sila.

Dapat ding igalang ng bawat employer ang karapatan ng empleyado na aktibong lumahok sa mga gawaing panrelihiyon o may kinalaman sa kanilang kinabibilangang katutubong komunidad. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author