Hinimok ni Sen. Nancy Binay ang Department of Public Works and Highways at ang Department of Education na pag-aralan ang disenyo ng mga paaralan sa gitna ng matinding init na nararanasan ng bansa.
Sinabi ni Binay na dapat pag-aralan na kung dapat baguhin ang disenyo ng mga paaralan partikular ang paglalagay ng mataas na ceiling.
Bukod dito, sinabi ni Binay na kailangan na ring tignan ang disenyo ng mga bintana ng mga paaralan upang matiyak na papasok ang hangin.
Kung si Sen. Cynthia Villar naman ang tatanungin, inamin nito na hindi siya kampante sa pagpapatupad ng blended learning.
Ipinaliwanag ni Villar na ang pag-aaral sa loob ng eskwelahan ay higit na disiplinado kumpara sa loob ng bahay.
Una rito, nananawagan ang ilang senador para sa pagpapatupad ng blended learning bunsod ng matinding init ng panahon.