Iminungkahi ni Sen. Sherwin Gatchalian na baguhin o i-redesign ang mga flood control projects sa bansa.
Ito ay kasunod ng naranasang malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa pananalasa ng bagyong Carina.
Sinabi ni Gatchalian na mahalagang ikonsidera sa disenyo ng flood control projects ang mabilis na urbanization at pagtaas ng populasyon.
Kailangan din anyang lakihan ang drainage systems, walang mga bara at regular na isailalim sa dredging o paghuhukay ang mga waterways bukod pa sa tiyaking coordinated ang pangangasiwa sa mga dam.
Sa obserbasyon ni Gatchalian, ang naranasang pagbaha sa Valenzuela at iba pang bahagi ng Metro Manila ay dulot ng matinding buhos ng ulan na nasabayan ng high tide at pag-apaw ng tubig sa mga dam at upstream.
Pinuna rin ni Gatchalian na hindi nabigyan ng PAGASA ng maagang babala ang mga local government units kaya marami sa kanilang constituents ang na-trap sa loob ng kanilang bahay.