dzme1530.ph

Disaster response ni Mayoralty aspirant Sarah Discaya, mas epektibo —Kilos Pasig

Nahigitan umano ng mayoralty aspirant na si Sarah Discaya si Mayor Vico Sotto sa pagtugon sa epekto ng Typhoon Kristine matapos makita ang kanya-kanyang disaster response sa lungsod ng Pasig. Pahayag ito ni Ram Cruz, ang co-convenor ng advocacy group na Kilos Pasig, base sa kanilang monitoring sa mga tumutulong sa libo-libong pamilya na naapektuhan nitong nagdaang bagyo.

Si Cruz at ang advocacy group nyang Kilos Pasig ay masugid na taga-suporta ni Sotto noon pang 2019 nang una siyang umupong alkalde ng lungsod. Ngayong paparating na May 2025 mid-term elections ay mariing sinusuri ng grupo ni Cruz, na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor, ang mga ginagawa at mga proyekto ng pamahalaang lungsod sa pamamahala ni Sotto, upang tuusin kung alin-alin ang mga natupad nitong pangako sa mga Pasigueño.

Mariin ding sinusubaybayan ng Kilos Pasig ang pagkilos ng makakatunggali ni Sotto na si Sarah Discaya kung katanggap-tanggap itong lingkod-bayan at kung tapat sa gawaing pagtulong noon pa man sa mga kapos-palad na taga-Pasig. Ang naturang programa ay nangyari umano mula umaga hanggang hapon habang nag-iikot ang Ate Sarah mobile kitchen sa buong Pasig para mabigyan ng pagkain at malinis na tubig ang mga nasalanta.

Pinasalamatan din umano ni Discaya ang mga volunteer sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo sa iba’t ibang barangay ng lungsod. Sa isang Facebook video na inupload naman ng netizen na si Steve ay bulto-butong umanong mga food at grocery packs pati na wheelchairs na galing kina Discaya ang nakitang inihahanda bago pa nanalasa ang bagyo upang maipaabot at maibigay sa mga evacuees na Pasigueños.

Sa kabilang banda naman ay naipost ng Pasig Information Office ang umano’y pag-inspection at pagkaway-kaway ni Mayor Sotto sa mga evacuation centers ng lungsod upang makapaghanda umano sa pagtama ng bagyo. May mga puna pang naiparating sa Kilos Pasig ay hindi umano naramdaman ang materyal na tulong ni Sotto kasi panay lang ang ikot-ikot nito at kaway-kaway sa kasagsagan ng masamang panahon.

Ayon sa Kilos Pasig ay nauna nang nagpadala ng coaster buses at trucks si Discaya kasama ang kanilang fire and rescue volunteers upang sunduin at tulungan ang mga stranded passengers mula Pasig palengke area, Shaw boulevard, A. Mabini Street, Meralco avenue, Caruncho avenue, Urbano Velasco avenue, San Aguatin avenue at kalye Eusebio papuntang Pinagbuhatan. Sa talaan na nakuha ng Kilos Pasig mula sa charity foundation ng mga Discaya ay umabot sa kabuohang 1,267 pamilya, o 4,680 Pasigueños ng 17 sa 30 barangays ng lungsod ang naabot ng ayudang bigas at grocery items mula sa pamilya Discaya sa loob lamang ng higit isang araw nilang disaster response.

About The Author