dzme1530.ph

DILG Sec. Remulla may alinlangan sa suhestiyong gawing requirement sa flood control projects ang approval ng LGUs

Loading

Hindi kumpiyansa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa suhestiyong gawing requirement ang approval ng local government units (LGUs) para sa flood control projects at iba pang imprastraktura.

Sa pagtalakay ng panukalang budget sa Senado, sinabi ni Remulla na posibleng makadagdag lamang ito sa friction cost ng mga proyekto kung walang structural reform.

Iginiit ni Remulla na mas makabubuting magkaroon ng masterplan ang national government na tugma sa mga plano ng mga lokal na pamahalaan.

Aniya, dapat magkakaugnay ang masterplan ng mga magkalapit na bayan o lungsod dahil walang hangganan ang baha o iba pang sakuna.

Kinatigan ito ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, na nagsabing kung idaragdag ang LGUs sa mga layer ng mag-aapruba sa proyekto, posibleng maapektuhan ang implementasyon nito dahil sa mga alitang politikal ng ilang mayor at governor.

Dagdag pa ni Gatchalian, hindi rin umano lahat ng LGUs ay “matino,” kaya’t kailangang tiyakin ang mas maayos na sistema ng koordinasyon.

Matatandaang sa mga pagdinig hinggil sa flood control projects, lumitaw ang kakulangan ng koordinasyon ng LGUs tulad sa Quezon City, na nagresulta sa mga substandard at ghost projects.

About The Author