Hihingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang permiso ng International Criminal Court (ICC) para makapanumpa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bago nitong tungkulin, habang nakakulong sa The Netherlands.
Si Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa ICC, ay nanalo bilang alkalde sa Davao City, na balwarte ng kanyang pamilya.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla, na magpapaalam siya sa ICC para sa pagpunta ng Consul upang makapanumpa ang Davao City mayor-elect.
Una nang inihayag ni Vice President Sara Duterte na posibleng maging “absentee mayor” ang kanyang ama.
Sa ilalim ng Local Government Code, gagampanan ng Vice Mayor ang kapangyarihan at tungkulin ng Mayor sa sandaling magkaroon ng temporary o permanent vacancy.
Ang anak ni Duterte na si Sebastian ang nanalong Vice Mayor sa Davao City.