![]()
Naantala ang delivery ng mga bagong truck ng bumbero bunsod ng imbestigasyon sa katiwalian sa loob ng Bureau of Fire Protection (BFP), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa press briefing, inamin ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kasalanan niya kung bakit naapektuhan ang procurement process.
Aniya, ang pag-iimbestiga sa mga iregularidad sa BFP ang dahilan kung bakit ngayon pa lamang nila sinisimulan ang pagbili ng fire trucks.
Tiniyak ng kalihim na pagkatapos matukoy ang ugat ng sindikato sa BFP, makaaasa ang taumbayan na mauumpisahan ngayong taon at matatapos nila ang procurement ng fire trucks, bilang bahagi ng reform agenda.
Una nang sinibak sa pwesto si dating BFP Chief Fire Director Jesus Fernandez, matapos itong sampahan, pati na ang isang private supplier, ng administrative at criminal charges sa Office of the Ombudsman bunsod ng umano’y 14.752 million pesos na kickbacks sa ambulance deals.
