Walang kapangyarihan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na suriin ang systems ng fintech companies, kapag nagkaroon ng mga problema na apektado ang maraming Pilipino.
Ginawa ni DICT Spokesman, Asec. Renato Paraiso ang pahayag, nang tanungin sa detalye ng errors sa “system reconciliation” ng e-wallet platform na GCash, na nagresulta sa pagre-report ng mga user ng unauthorized transactions sa kanilang accounts.
Inamin ni Paraiso na hindi nila ma-audit ang system problems ng fintech firms, dahil ang saklaw lamang ng kapangyarihan ng DICT ay government agencies.
Aniya, pagdating sa private institutions ay isa ito sa mga kakulangan sa batas na inaasahan nilang mapupunan.
Idinagdag ng opisyal na patuloy ang paghimok ng DICT sa mga mambabatas na ipasa ang panukalang Cybersecurity Act, na lumikha sa National Cybersecurity Council na inatasang palakasin ang Public-Private Partnership sa larangan ng information sharing, na kinasasangkutan ng cyberattacks, threats at vulnerabilities sa cyber threats.
Iginiit ni Paraiso na dapat ay mayroong kapangyarihan ang gobyerno na silipin ang private institutions kapag mayroong cybersecurity concerns. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera