Pinalagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang babala ng China sa kanilang mamamayan hinggil sa umano’y mga krimen sa Pilipinas na ang target ay mga Tsino.
Tinawag din ng DFA ang advisory ng China na “mischaracterization” sa security situation ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni DFA Spokesperson Angelica Escalona na ang mga krimen na inire-report, kabilang na ang mga may gawa mismo ay Chinese nationals laban sa kanilang kababayan, ay maiging tinutugunan ng mga lokal na awtoridad.
Ginawa ng ahensya ang pahayag, isang araw matapos payuhan ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang kanilang mga mamamayan na pag-isipan muna ang pagbyahe sa Pilipinas.
Ayon kasi sa kanilang embahada sa Maynila, lumalala ang seguridad sa Pilipinas, kabilang na ang tumataas na krimen na ang target ay Chinese nationals.