Hinimok ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralan ang posibleng paglabag ng China sa International Humanitarian Law kasunod ng pinakahuling harassment sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Tolentino na malinaw sa video footage ng insidente ang pang-aagaw ng food supplies para sa tropa ng pamahalaan.
Iginiit ng senador na hindi lamang dapat diplomatic protests ang tinututukan ngayon ng DFA kundi kailangan ding pag-aralan ang mga paglabag sa International Humanitarian Law.
Kahit wala anyang direktang conflict, maaari pa ring paglabag sa batas ang starvation o pagkagutom bilang method of warfare.
Kasabay nito muling tiniyak ni Tolentino ang suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa pahayag ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na payagan ang mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal na magdala ng mga armas bilang pagdipensa sa kanilang sarili.