Hinikayat ni Sen. Imee Marcos ang National Economic Development Authority na isapubliko ang mga detalye ng kanilang NEDA Board Meeting noong June 3, 2024 na nagresulta sa kontrobersyal na desisyon ng gobyerno na bawasan ang taripa sa inangkat na bigas sa 15% hanggang 2028.
Ito ay matapos matuklasan ni Marcos na hindi nagmula sa agricultural stakeholders ang panukalang pagbabawas sa taripa.
Hindi rin natalakay sa mga consultative hearings ng Tariff Commission noong isang taon ang posibleng pagbababa sa 15% ng taripa para sa susunod na apat at kalahating taon.
Ang NEDA Board ay binubuo ng Pangulo bilang Chairperson, at NEDA Secretary bilang Vice-Chairperson, kasama ang Executive Secretary, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, Secretary of Finance, at Secretary of Budget and Management.
Pinuna ng Senador na hindi man lamang naisama sa pagpupulong ang mga grupo ng magsasaka, pederasyon, at iba pang stakeholder ng agrikultura, at maging ang Senado.
Dahil dito, patuloy ang pagtutol ni Marcos sa 15% tariff rate, at iginiit na hindi nito mapabababa ang presyo ng bigas dahil ang mga exporter ay magtataas lamang ng kanilang mga presyo, batay sa mga nakaraang karanasan.