Dapat ipaubaya na kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon kung aatasan nito ang Philippine Coast Guard (PCG) na labanan na rin ng water cannon ang pag-atake ng China Coast Guard (CCG) sa Scarborough Shoal.
Ito ang sagot ni Sen. Francis Tolentino sa suhestyon ng ilan na panahon nang tapatan din ng water cannon ang ginagawang pambobomba ng tubig ng China sa tropa ng pamahalaan.
Iginiit ni Tolentino na ang aksyong ito ay nangangailangan ng masusing pag-aaral dahil may kaakibat itong consequences tulad ng paglala ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ang mas makabubuti aniya ay palakasin ng gobyerno ang ating defense posture kasama na rito ang pagbuhay sa Reserved Officers Training Corps sa tertiary level at ang pagsalang sa military training ng ating mga criminology students.
Hindi aniya tayo dapat mawalan ng pag-asa sa patuloy na pakikipaglaban sa ating soberanya sa WPS dahil malinaw naman na ito ay ating teritoryo.