Umaasa si Senate President Francis “Chiz” Escudero na maglalabas na ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa isyu ng confidential fund ng mga ahensya ng gobyerno bago pa man umarangkada ang budget hearings sa Senado.
Ito anya ay upang magkaroon ng malinaw na gabay ang mga mambabatas kaugnay sa paglalaan ng confidential fund sa mga ahensya ng gobyerno.
Ang reaksyon ng senate leader ay kasunod ng kahilingan ni Vice President Sara Duterte na ibasura ang mga petisyon kaugnay sa constitutionality ng P125 million na confidential at intelligence fund sa kanyang tanggapan noong 2022.
Sinabi ng Bise Presidente sa kanyang apela sa Korte Suprema na pawang ispekulasyon ang mga akusasyon sa kanya.
Ipinaalala ni Escudero na nang kanilang pinag-uusapan ang pagbibigay ng confidential at intelligence fund sa OVP ay kanya itong tinutulan.
Ipinaliwanag ng senate leader na noong panahong iyon ay iginiit na niya ang pagtatanggal confidential at intelligence fund sa ahensya.