Kinondena ni outgoing Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na binabaligtad ang naunang ruling na nagdi-disqualify kay Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro bilang Congressional candidate para sa District 1 ng lungsod.
Tinawag ni Pimentel ang desisyon na pambabastos sa Konstitusyon at nagbabala na binubuksan nito ang tinawag niyang ‘Gates of Electoral Hell’.
Maituturing din anya itong mapanganib na precedent sa mga susunod na kaso sa COMELEC.
Tanong pa ni Pimentel na kung maaaring mabalewala ang residency requirements na minamandato ng konstitusyon sa pamamagitan ng isang resolution, ano pa ang pipigil sa iba para manipulahin ang sistema.
Maaari anya itong maging daan ng mga pulitiko may self-interest at makasarili na samantalahin ang pagkakataon na ideklara ang kanilang residency saang lugar nila mapaiiral ang kapangyarihan.
Sa naunang desisyon ng Comelec First Division na inilabas noong December 11, 2024, diniskwalipika si Teodoro dahil as misrepresentation sa kanyang voter registration matapos ideklara ang kanyang address sa District 1 habang ang kanyang official records ay pawang nasa District 2.
Binanatan din ni Pimentel ang mabagal na resolusyon ng poll body sa kaso na umabot pa ng 196 days bago nakapagpalabas ng final decision.