Inatasan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang regional directors ng Department of Education (DEPED) na makipag-coordinate sa Department of Health (DOH), kaugnay ng mga hakbang upang maiwasan ang pertussis outbreak sa mga paaralan.
Inihayag ni VP Sara na dapat ding makipag-ugnayan ang local DEPED sa kani-kanilang regional health officials.
Ayon sa bise presidente, may iba pang health programs na maaring isama sa catch-up Fridays ng DEPED kung saan inilalaan ng mga paaralan ang kalahating araw sa pagbabasa at iba pang aktibidad, gaya ng values, health, at peace education.
Aniya, bukod sa pertussis, saklaw din ng catch-up health programs ang HIV prevention, pag-iwas sa teenage pregnancy, at iba pang catch-up vaccinations na kailangang gawin ng DOH.