dzme1530.ph

DepEd, hinimok na pagsikapang bawiin ang pondong napunta sa ghost students

Loading

Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na ipagpatuloy ang pagsisikap na mabawi ang lahat ng pondong napunta sa mga pekeng benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).

Ito ay kasunod ng pagkakabawi ng DepEd ng P65-M mula sa mga pondong nawala dahil sa iregularidad.

Gayunman, ayon kay Gatchalian, malayo pa ito sa kabuuang P310.4-M dapat mabawi mula sa mga benepisyaryong may kwestyonableng dokumentasyon sa loob ng School Years 2020-2021 hanggang 2022-2023.

Sa kasalukuyan, umabot na sa P71.1 milyon ang naire-refund.

Sinabi ni Gatchalian na hindi dapat tumigil hanggang sa mapanagot ang mga sangkot sa iregularidad na ito.

Mahalaga rin aniyang patatagin ang SHS-VP upang maiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso at panlilinlang sa programa.

Matatandaang noong nakaraang taon, nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Basic Education kaugnay ng anomalya sa SHS-VP.

Ipinakita rito na libu-libong benepisyaryo ang may hindi wastong dokumento, dahilan upang magkaroon ng malaking pagkalugi sa pondo ng gobyerno.

About The Author