Ima-maximize ng Department of Education (DepEd) ang umiiral nitong budget at hahanap ng iba pang funding sources.
Ito ay upang maisalba ang ₱4-B o $94-M na halaga ng literacy at special education programs na nasuspinde kasunod ng pag-freeze ng Amerika sa lahat ng foreign aid.
Tiniyak ni Education Sec. Sonny Angara na gagawin nila ang lahat upang hindi magambala ang mga programa, sa pagtigil ng suporta mula sa United States Agency for International Development (US-AID).
Ayon sa DepEd, kabilang sa naapektuhan nilang programa ay ang “ABC+” na nakatututok sa early-grade literacy and numeracy sa Bangsamoro Region, at “GABAY” na nagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral na may mga espesyal na pangangailangan.
Hindi naman tinukoy ng ahensya ang detalye ng kanilang plano, subalit una nang sinabi ni Angara na hihilingin niya ang aktibong pakikilahok ng pribadong sektor para suportahan ang mga paaralan.