dzme1530.ph

DepEd 2024 Budget, lusot na sa Senate Committee on Finance  

Lusot na sa Senate subcommittee on Finance ang panukalang P758.6-B na panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.  

Sinabi ni DepEd undersecretary Michael Poa na mas mababa ang inaprubahang budget kumpara sa orihinal nilang proposal na P935-B.  

Dahil dito, sinabi ni Poa na mapipilitan silang tapyasan ng budget ang ilan nilang proyekto kabilang na ang pagpapatayo ng bagong school building, procurement ng mga gamit sa mga silid aralan at ang pagpapatupad ng school-based feeding program.  

Dinipensahan naman ni Poa ang kanilang P150-M confidential fund bagama’t sinabing kaya nilang mabuhay na wala ito.  

Ilalaan anya ang confidential fund sa mga programa para bigyang proteksyon ang mga mag-aaral, guro at mga non-teaching personnel.  

Sinabi ng opisyal na kabilang sa mga matutugunan ng confidential fund ang mga banta gaya ng recruitment ng mga rebeldeng grupo sa mga paaralan at ilegal na droga.  

Inungkat ni Senate Majroity Leader Joel Villanueva ang kakulangan ng mga guro sa bansa.  

Base sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration, nasa 1,500 na mga guro na ang umalis ng Pilipinas at nangibang bansa na mula taong 2013 hanggang 2017.  

Ayon kay DepEd Undersecretary Gloria Mercado na kinakailangan pa ng Pilipinas ng 86,000 na mga guro para maabot ang ideal na 1:30 na teacher-to-student ideal ratio. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author