![]()
Natuklasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang umano’y mga reclamation sa Laguna de Bay na pinalalabas bilang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa satellite monitoring, may mga proyekto sa kahabaan ng C6 Road na lumalabas na reklamasyon at hindi flood control. Nabahala ang DENR dahil maaari itong magdulot ng mas matinding pagbaha sa paligid ng lawa.
Ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), walang naaprubahang reclamation permit mula pa noong Abril, ngunit may mga proyektong nagpapatuloy nang walang pahintulot.
Naglabas din ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ng kautusan noong Hulyo 2025 na nagpapatigil sa lahat ng reklamasyon sa lawa at nagbabala ng pananagutang administratibo, sibil, at kriminal laban sa mga sangkot.
Kasabay nito, patuloy na nakararanas ng pagbaha ang mga komunidad sa paligid ng Laguna de Bay, kabilang ang Biñan City, na may tinatayang ₱50 hanggang ₱100 milyon na pinsala kada taon.
Isa sa mga kontratista ng flood control project sa lungsod ang St. Matthew General Contractor and Development Corp. ng pamilya Discaya, na iniimbestigahan dahil sa umano’y katiwalian.
