Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ginagamit ng ilang dayuhang dapat nang maideport ang “Demanda me” modus ng kanilang mga abogado.
Sa pagtalakay sa proposed 2024 budget ng Department of Justice (DOJ), natanong ni Senador Nancy Binay kung bakit matagal ang proseso sa deportation ng mga maituturing na undesirable aliens sa bansa.
Sa impormasyon, hanggang sa kasalukuyan may 289 na dayuhan na nakakulong sa Bureau of Immigration, na ang halos kalahati ay mga Chinese habang may ilan na halos limang taon nang nakakulong.
Ipinaliwanag ni Remulla na nagsisilbing hadlang sa deportasyon sa mga ito ang pagdinig sa kanilang mga kaso na inihain din naman sa kanila bilang kanilang istratehiya upang hindi sila agad mapaalis sa bansa.
Batay kasi anya sa batas sa Pilipinas, hindi maaaring paalisin sa bansa ang mga dayuhang may kinakaharap na kaso.
Inihalimbawa ng kalihim ang kaso ng isang Japanese na dapat ay agad nang na-deport subalit naging hadlang ang 12 kaso na inihain ng kanyang kasintahan.
Nang mabuking anya nila ang modus ay isa-isa nilang ipa-dismiss ang kaso ng Japanese upang siya ay ma-deport na.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Remulla sa Senado na bumalangkas ng batas para agad i-waive ang kaso ng isang dayuhang dapat nang ipa-deport at patawan din ng mas mabigat na parusa ang mga abogadong kasabwat ng mga ito sa “Demanda me” modus.- Sa panulat ni Dang Garcia, DZME NEWS