dzme1530.ph

Deliberasyon sa panukalang 2025 budget sa Senado, tinapos na

Natapos na ng mga senador ang deliberasyon sa panukalang 2025 national budget.

Bago mag-alas kwatro ng madaling-araw kanina, isinarado na ng Senado ang period of interpellation sa 2025 General Appropriations Bill.

Huling isinalang sa plenary deliberations ang panukalang pondo para sa Department of Public Works and Highways.

Kasabay nito, inanunsyo ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na ngayong araw na ito itinakda ang deadline sa pagsusumite ng mga senador ng kanilang panukalang institutional at individual amendment sa budget bill.

Nagpasalamat naman si Senate President Francis Escudero sa pagpupursige ng mga senador sa nakalipas na dalawang linggong magdamagan nilang budget deliberations.

Tiniyak naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na naaayon pa rin sa kanilang schedule ang itinatakbo ng budget process sa Senado.

Sinabi rin ni Poe na bibigyan muna ng panahon ang mga senador na paghandaan ang kanilang mga panukalang pag-amyenda sa pambansang pondo batay sa itinakbo ng plenary debates.

Inaasahang sa susunod na Linggo ay isasagawa ang period of amendments saka isusunod ang pagpasa sa 2nd, 3rd and final reading sa panukalang budget bago itakda ang bicameral conference committee meeting. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author