Nais ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magsagawa ng investigation in aid of legislation ang Senate blue ribbon committee sa sobrang delayed o matagal na pag-iisyu ng national identification cards ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa kanyang resolustion, sinabi ni Pimentel na mahalagang malaman ng publiko ang mga rason kung bakit natatagalan ang pag-iisyu ng national ID.
Naniniwala si Pimentel na may dahilan upang paniwalaan na may malfeasance; misfeasance; misfeasance o nonfeasance sa liderato ng PSA, Bangko Sentral ng Pilipinas at iba kinauukulang ahensya ng pamahalaan dahil sa hindi makatwiran na pagkakantala sa delivery ng national ID at substandard na quality nito.
Iginiit ng senador na nakakabahala ang pagkakantala sa pag-iisyu ng national ID kaya dapat nang magkaroon ng aksyon ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para maresolba ang problema at matiyak na lahat ng mamayan ay magkaroon ng access sa kanilang national ID.
Kailangan anyang maging klaro kelan matatanggap ng mamamayan ang kanilang national ID.
Bukod sa atrasadong pag iisyu ng national ID may mga reklamo din sa maling personal information at malabong images sa card bukod pa sa may mga card na hindi na mabasa makalipas ang tatlong buwan at ilang financial institutions ang tumatanging kilalanin ang national ID dahil sa kawalan ng signature. —sa ulat ni Dang Garcia