Nanindigan ang Bureau of Customs (BOC) na hindi port congestion ang dahilan ng pagkaantala ng rice shipments sa bansa.
Sinabi ng BOC na sa Port of Manila, 258 containers ng bigas ang nanatili sa yard, kabilang ang 237 containers na cleared na, for release, matapos mabayaran ang duties and taxes.
Ayon pa sa Customs, mayroon ding 630 containers ng bigas sa Manila International Container Port kung saan 492 containers ang maari na ring i-release.
Binigyang diin naman ng BOC na wala pa sa mga naturang shipments ang lumagpas sa 30-day period na isinasaad ng Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act.
Alinsunod sa batas, dapat kunin ng importers ang kanilang shipment sa loob ng 30-araw mula nang bayaran nila ang duties and taxes, dahil kung hindi ay idi-deklarang abandonado ang shipments. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera