Pinuna ni Sen. Joel Villanueva ang pagbabayad ng gobyerno ng milyung-milyong commitment fees sa mga foreign-assisted project dahil sa delay sa implementasyon nito.
Sa deliberasyon sa panukalang 2025 budget ng Department of Transportation (DoTr), kinuwestyon ni Villanueva ang mababang Loan Utilization Rate ng mga Foreign-Assisted Projects.
Tinukoy ni Villanueva ang pagtaya ng National Economic Development Authority (NEDA) na sa pagtatapos ng 2023, nasa ₱2.3-T ang kinakailangan upang makumpleto ang 69 projects hanggang ngayong taon.
Sa naturang bilang, ang DoTr ang may pinakamataas na budgetary requirement na umaabot sa ₱1.2-T kabilang na ang North-South Commuter Line at Metro Manila Subway System.
Gayunman, sa 2023 Official Development Assistance (ODA) natuklasan na 26 ang loans ng DoTr na may net commitment na $13.78 million o ₱813.86 million.
Ipinaliwanag ng senador na sa naturang halaga, may 33.8% lamang na utilization rate ang DoTr.
Nakakalungkot aniya na nasasayang ang pondo sa pagbabayad ng commitment at interest fees dahil hindi pa nasisimulan o dahil nagkakaroon ng delay ang mga proyekto. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News