Muling pinuna ni Senador Sherwin Gatchalian ang delay sa pagpapatupad ng Metro Manila Flood Management Project na anya’y makakatulong sa inaasahang La Niña phenomenon ngayong taon.
Dismayado si Gatchalian na 6.52% pa lamang ng proyekto ang natutupad laban sa tinatarget na 91% o slippage na 84.48%.
Nanawagan ang mambabatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA), na pawang mga implementing agencies, na tiyaking magkakaroon ng catch-up initiative para maisakatuparan na ang pagtatapos ng proyekto.
Binigyang-diin ni Gatchalian na napakahalagang proyekto ng Flood control project kung isasaalang-alang na ang Metro Manila ay palaging nakakaranas ng pagbaha sa panahon ng tag-ulan o kapag may matinding pag-ulan.
Sa gitna anya ng banta ng La Niña, kinakailangan nating magkaroon ng mga proyektong makakatugon sa posibleng masamang epekto ng malakas na pag-ulan at pagbaha.
Kung matapos sana ang proyekto sa itinakdang petsa, malaki ang maitutulong nito sa mga kababayan hanggang sa mga huling bahagi ng taon kung kailan mananatili ang La Niña.
Nanawagan ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means sa DPWH na magpatupad ng alternatibong plano na magbibigay-daan upang makamit ang layunin nito na mabawasan ang solid waste.